Papunta ulit ako sa opisina, alas sais ng umaga, si “ate” maganda, sexy, bihis na bihis(naka-skirt), at mabango, fresh na fresh ika nga. Pumara sa sakayan, gustong bumaba. Ako naman–nakatayo, puyat dahil sa magdamagang pagbabasa para sa klase mamayang hapon–ay nakaharang sa daanan dahil masikip at wala nang upuan dahil dagsa na ang mga tao na papunta sa kani-kanilang trabaho.

Biglang sabi nung kundoktor, “boss, puede po ba kayong tumabi para makaraan si miss.”

Napakusot ako ng mata at biglang  napatingin sa paligid. Ang alam ko kasi, walang “unloading” sa lugar na iyon, o baka ako ang mali at namalikmata lang ako at babaan na kailangan ko na din lumakad papuntang estribo. Pero, tama pala ako, hindi pa iyon ang tamang babaan dahil pagkaraan ni “ate” may mga sumakay.

Napatingin ako sa paligid, wala pa ang mga bantay, nag-aalmusal pa siguro. Mamaya pa magagalit ang kundoktor at sisigaw ng matalim na, “wala pong babaan dito, ‘wag ho kayong makulit, sa kabila ang babaan, matuto po tayong sumunod sa batas.” (translation: kung gusto ninyong bumaba ay bigyan ninyo kami ng P700 na padulas sa naka-yellow na nagbabantay.) Nak’nang! parang totoo noh?

Mali siguro yung mga traffic sign, siguro kelangan dagdagan ang mga nakasulat dito dapat siguro, “No unloading, except when there are no traffic policemen around.” Kaya naman gawin yan e, tanggalin lang yun mga salitang; “project of mayor, congressman, first gentleman, and the list goes on…”

Tsk, mali pala si lola, kailangan maaga siya at tiyempuhan niyang walang mga nagbabantay.

Sabagay, ganun din naman talaga dito sa Pilipinas, may panahon na may batas, may panahong on-leave din ang mga ito. Kung tutuusin may “constitutional basis” naman ang ganitong kaugalian natin. Tulad ng the “President can appoint whodasever she wants, even without the proper qualification when the Congress is not in session.” Malalaman mong may session sa Congress kapag nakikita natin ang ating mga kongresista na lumalaklak ng overpriced mineral water at nagsisiyesta sa Congressional hall o kaya nagpapatawag sila ng kung sinu-sino para makipagtsimisan “in pursuance of the inherent oversight function of Congress to see to it that the laws they enact are properly implemented.” Another nak’nang! Mabalik tayo sa ‘main topic,’ tila may panahon nga talaga ang pagpapatupad ng batas dito sa Pilipinas. Siguro hindi lang batas, kundi pagpapatupad at pagawa ng tama.

Ngayon, nanakawan na naman ang kaban ng bayan, ngunit hindi ko nararamdaman ang “urge” ng taong bayan na ipaglaban at ipaalam ang ating kanilang hinaing. ‘Di tulad nung EDSA I, na naging matagumpay dahil hitik sa panahon, at tsaka nung EDSA Dos, na nagliyab dahil sa umaalingasaw na katotohanan. Ang suma, kailangan talaga ng isang matinding dagok na gigising para maipatuipad ang tama, para maipatupad ang magandang hangarin ng batas.

Kung ganun ang ugali natin, tama si Rizal nun di siya sumang ayon sa himagsikan. Tama ang kanyang obserbasyon sa ating kaugalian.

Ngunit ang tanong, “kailan nga ba ang tamang panahon?” 

     

Advertisements